Nananawagan ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa lahat ng media organizations sa bansa na suportahan ang kanilang pagsisikap na amyendahan sa Kongreso ang probisyon ng RA 9165 sa pamamagitan ng pagtanggal ng presensya ng mga miyembro ng press sa panahon ng anti-drug operations at imbentaryo ng mga nasamsam na ebidensya.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Paul Gutierrez, bukod sa pag-unlad ng teknolohiya at sa pag-uutos ng Korte Suprema sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng batas na gumamit ng mga body camera sa ilang mga operasyon, umaapela ang ahensya sa Kongreso na amyendahan sa lalong madaling panahon ang pagaalis sa pag representa o pag-witness ng mga alagad ng media sa police operations.
Paraan din aniya ito sa pag-alis sa maliit na katiwalian kung saan ang mga miyembro ng press ay nagagamit o nababayaran ng mga anti-drug operatives kapalit ng kanilang mga pirma sa sheet ng imbentaryo at pagpapatotoo sa korte.
Idinagdag pa ni Gutierrez, mula nang maipasa ang naturang batas taong 2002, naging katuwang na ng awtoridad ang mga miyembro ng media sa mga operation na nagsisilbing neutral observers at taga-pirma o saksi sa imbentaryo sa police operation na dumarakip sa mga lumalabag sa nabanggit na batas. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News