Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong araw ng Lunes, ang batas na magtataas sa P10,000 mula sa P5,000, sa teaching allowance ng public school teachers sa bansa.
Pinirmahan ng pangulo ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” sa seremonya sa palasyo ngayong hapon.
Sa ilalim nito, simula sa school year 2025-2026 ay itataas na sa P10,000 ang taunang teaching allowance ng mga guro, at exempted ito sa buwis.
Magagamit nila ito sa pagbili ng teaching supplies at materials, incidental expenses, at iba pang gastos sa paraan ng pagtuturo o learning modalities.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng pangulo na ang batas ay makababawas sa pasaning araw-araw na dinadala ng mga guro, lalo’t may mga teacher umano ang ilang dekada nang humuhugot ng pera sa sariling bulsa para pambili ng mga materyales sa classroom.
Bukod sa pangulo, dumalo rin sa ceremonial signing sina Dep’t of Education Spokesperson Michael Poa, Senate President Francis “Chiz” Escudero, House Speaker Martin Romualdez, at iba pang mambabatas.