dzme1530.ph

Batas kontra obesity, isinusulong ni Sen. Villar

Inihain ni Senator Cynthia Villar ang panukalang batas na may layong labanan ang obesity o labis na katabaan lalo na sa mga kabataan.

Isinusulong ng Chairman ng Committee on Agriculture and Food ang Senate Bill 2230, kung saan binigyang diin nito na kailangan nang harapin ng pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mga obese na maaaring pagmulan ng iba’t ibang cardiovascular diseases.

Nakasaad sa panukala na magsasanib-pwersa ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), local government units (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno para bumuo ng National Anti-Obesity Prevention and Control Program.

Ayon sa senadora, ang DepEd ang responsable sa pagtuturo sa mga mag-aaral ng wastong pagkain at tamang nutrisyon habang ang mga lokal na pamahalaan naman ang aatasan sa pagsasagawa ng mga information campaign.

Matatandaang sa report na inilabas ng Department of Science and Technology (DOST) – Food and Nutrition Research Institute, pumalo na sa 27-M na mga Pinoy ang overweight at obese, at inaasahang sisirit pa ng 30% pagsapit ng 2030. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author