dzme1530.ph

Batangas Rep. Leviste, hinangaan sa pagtanggi sa milyong-pisong suhol

Loading

Umani ng suporta at paghanga si Rep. Leandro Legarda Leviste, 1st District ng Batangas, matapos ipakita ang kanyang tapang sa pagtanggi sa milyong-pisong suhol mula sa isang district engineer.

Ayon kay Negros Occidental 3rd District Rep. Javi Benitez, huwaran si Leviste dahil hindi ito nagpasilaw sa malaking halaga ng salapi. Mas pinili umano nitong gawin ang tama, kaya kung siya man ay nasa kaparehong sitwasyon, gagawin din niya ang ginawa ng kaibigang mambabatas.

Nakilala niya umano si Leviste hindi lang bilang matagumpay na negosyante, kundi bilang matapang na tao, may prinsipyo at handang lumaban para sa kapakinabangan ng bayan.

Tinawag naman ni Las Piñas City Rep. Mark Anthony Santos ang Batangenyong kongresista bilang isang “tunay na bayani ng bayan” na matapang na lumalaban kontra katiwalian. Saludo umano ito sa kanyang batchmate ngayong 20th Congress.

Pinuri at pinasalamatan din ni Manila Rep. Joel Chua si Leviste sa pag-aangat nito ng dangal sa imahe ng Kamara. Kasabay nito, nanawagan si Chua na agad patawan ng administrative sanctions ng DPWH ang nasangkot na district engineer, habang hinaharap ang kasong kriminal na isasampa ni Leviste.

About The Author