Plano ni Education Secretary Sonny Angara na amyendahan ang Basic Education Curriculum, batay sa komento ng mga guro, kabilang na ang “nakapapagod” na polisiya kung saan obligado silang magturo ng anim na oras sa classroom araw-araw.
Kasunod ng kumpirmasyon ng Commission on Appointments sa kanyang ad interim appointment bilang kalihim ng Department of Education, sinabi ni Angara na mas mainam para sa mga teacher kung magtuturo sila ng mas maikli sa anim na oras kada araw.
Batay kasi sa umiiral na polisiya, ino-obliga ang mga guro ng maximum 6-hour na teaching period.
Gayunman, hindi ganito ang kaso sa ground, dahil may mga guro na dire-diretso ang pagtuturo ng anim na oras, at may ilang eskwelahan na nagpapatupad ng double shifting bunsod ng kakulangan ng classrooms.