dzme1530.ph

Barilan sa Taguig, nais busisiin kung may kinalaman sa diskriminasyon sa mga Muslim

Nais ni Senador Robin Padilla na alamin kung diskriminasyon sa pagkain ang naging mitsa ng pamamaril na ikinamatay ng isang pulis sa Taguig City.

Sa kanyang Senate Resolution 743, nais ni Padilla na magsagawa ng pagsisiyasat ang Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs sa insidente makaraang igiit ng Muslim na pulis sa pamamaril na nagkaroon na ng ibang insidente ng diskriminasyon bago pa ito mangyari.

Binigyang-diin ng senador na namatay ang isang pulis at nasugatan ang isa pa sa pamamaril noong Agosto 7, matapos ang alitan sa isang Muslim police officer.

Naging ugat umano ng pamamaril ang paghain ng ulam na karne ng baboy sa himpilan ng pulisya.

Bukod dito, nais ding busisiin ni Padilla ang iba pang insidente na maaaring lumabag sa Islamic dietary Laws kasama ang pagsiyasat ng Department of Science and Technology (DOST) CALABARZON sa 51 produkto ng isang processed food brand na may “Halal” logo subalit may halong pork, at ang Halal certifier ng kumpanya ay hindi accredited ng National Commission on Muslim Filipinos.

Gayundin ang Commission on Audit report na ang caterer ng Bureau of Corrections ay naghain ng pork sa mga Muslim at Seventh-Day Adventists inmates.

Kasama rin ang pagtangkang hostage-taking kay dating Sen. Leila de Lima sa PNP Custodial Center noong Oktubre 9, 2022, kung saang inireklamo ng isang Muslim inmate na pork ang ihinain sa kanya.

Napansin din ni Padilla na may panawagan sa pamahalaan ng General Santos City para magkaroon ng dedicated area para sa Halal na pagkain sa central market nito, matapos matuklasan umano na may mga vendor na naglagay ng dugo ng baboy sa isda para magmukha itong sariwa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author