Nagbabala si Sen. Sherwin Gatchalian na maapektuhan ang kredibilidad ng buong proseso ng May 2025 elections kung magkakaroon ng banta ng brownout.
Dahil dito, nanawagan si Gatchalian sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Energy (DOE) na tiyakin ang pakikipag-ugnayan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mga power generator, distribution utilities, at electric cooperatives para sa tuloy-tuloy at matatag na suplay ng kuryente mula sa araw ng halalan hanggang sa panahon ng bilangan ng mga boto.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dahil umaasa sa kuryente ang automated voting at transmission system ng bansa, kahit panandaliang pagkawala ng kuryente ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa botohan, aberya sa bilangan, at pagdududa sa resulta.
Iginiit ng senador na mahalagang maprotektahan ang mga balota upang hindi maging kaduda-duda ang resulta.
Wala anyang puwang ang pandaraya sa halalan at dapat panatilihin ng pamahalaan ang malinis at tapat na eleksyon.