Ikinukonsidera ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na irekomenda kay Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng 60-day suspension sa importasyon ng bigas na nagsimula noong Setyembre 1.
Ayon sa kalihim, habang hinihintay ang data validation, plano nitong irekomenda ang pag-extend ng ban ng karagdagang 15 hanggang 30 araw.
Inihayag ni Laurel na inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na maisusumite ang final na rekomendasyon hinggil sa extension o pagpapaliit ng import moratorium sa katapusan ng Setyembre.
Aniya, dahil sa pagbuti ng presyo ng palay, mas may dahilan para palawigin ang umiiral na importation ban. Batay sa preliminary data, tumaas ang farm-gate prices ng wet palay sa mga nakalipas na linggo.