Walang karapatan ang China na magalit sa isinasagawang balikatan ng Pilipinas sa pagitan ng mga kaalyadong bansa partikular na ang Military exercises sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iginiit ni Senador Francis Tolentino kasabay ng pagsasabing walang magagawa ang China dahil karapatan ng administrasyong Marcos na ipatupad ang mga kasunduan na may kinalaman sa ating National security.
Ipinaliwanag ni Tolentino na taong 80’s at 90’s pa ay mayroon nang Balikatan Exercises kaya wala naman siyang nakikitang pagbabago rito para magalit ang China.
Binigyang-diin pa ng senador na ang ipinapatupad lamang ng bansa ating Sovereign rights sa saklaw na teritoryo at hindi lamang naman limitado sa Military exercises ang kasunduan sa Estados Unidos at sa ibang bansa.
Kung gusto aniya ng China ay maaari naman silang magkaroon ng sariling Military exercise sa kanilang teritoryo at hindi dapat magalit o ma-threatened ang naturang bansa dahil ang ating mga pagsasanay ay salig naman sa International Law.