dzme1530.ph

Balikatan exercises ng Pilipinas at America, posibleng gamitin sa paglilinis ng oil spill sa Oriental Mindoro

Ipinalutang ng Dept. of Environment and Natural Resources ang posibleng paggamit sa Balikatan exercises ng Pilipinas at America ngayong taon, para mapabilis ang paglilinis sa oil spill mula sa lumubog na Princess Empress motor tanker sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ito ay matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa DENR na madaliin na ang cleanup drive sa oil spill.

Sa pakikipagpulong sa Pangulo sa Malacañang, inihayag ni DENR sec. Antonia Yulo-Loyzaga na makikipag-ugnayan sila sa US Embassy para sa posibilidad na ipadala ang mga kalahok sa Balikatan Joint Military Drills sa Cleanup Operations, upang maiwasang lumala pa ang epekto ng oil spill.

Bukod sa America, sinabi ni Loyzaga na handa ring tumulong sa cleanup drive ang Japan at South Korea.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DENR sa local gov’t units, sa may-ari ng lumubog na motor tanker, at sa Dept. of Social Welfare and Development para madagdagan ang pondo sa cash-for-work program sa mga apektadong residente.

About The Author