Hinikayat ng Malakanyang ang mga magulang na pabakunahan kontra tigdas ang kanilang mga anak.
Pahayag ito ng Palasyo matapos iulat ng Department of Health na tumaas ng 35% ang kaso ng tigdas sa Metro Manila at iba pang lugar sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Communications Office Usec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, may “Bakunahan sa Purok ni Juan” program ang gobyerno kung saan ginagawa ang immunization campaign sa mga piling local government units sa Metro Manila.
Nagsimula aniya ito noong Marso 17 at tatagal ng hanggang Marso 28.
Maaari lamang aniyang magtungo sa mga health center para mabigyan ng libreng bakuna ang mga bata.
Ayon kay Castro, dapat na samantalahin ang pagpapabakuna kontra tigdas lalot sinabi na ng Pagasa na panahon na ngayon ng tag-init. — sa panulat ni Chona Yu, DZME News