Ilang mga paaralan sa bansa ang binaha, isang araw bago ang pagbubukas ng School Year 2025-2026, bukod pa sa napaulat na kakulangan sa kagamitan, gaya ng mga lamesa at upuan.
Nasa limang silid-aralan sa Frances Elementary School sa Calumpit, Bulacan ang lubog sa baha, at ilan dito ay bagsak na ang mga kisame, kasunod ng mga pag-ulan at high tide.
Binaha rin ang Doña Damiana De Leon Macam Memorial Elementary School, kung saan gumawa ang mga administrator ng daraanan ng mga mag-aaral upang hindi sila mabasa.
Tumaas ang baha sa lugar pasado 2:00p.m., kahapon, subalit humupa rin naman pagsapit ng gabi.
Sa Don Vicente Rama Memorial Elementary School sa Cebu, nai-report na ng mga guro ang kakulangan sa mga lamesa at upuan, subalit habang wala pa ang kanilang request ay magtitiis muna ang mga mag-aaral sa mga lumang kagamitan.
Sa Dagupan City, Pangasinan, ilang public schools ang magpapatupad ng shifting schedules, hindi lamang dahil sa limitadong espasyo, kundi pati na sa baha na dulot ng tag-ulan at high tide.