Inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagtatalaga kay Bureau of Design Director Lara Marisse Esquibil bilang Undersecretary for Convergence and Technical Services ng ahensya.
Ayon kay Dizon, si Esquibil, 36 anyos, ay nagtapos sa Cadet Engineering Program ng DPWH, isang programang muling bubuhayin upang makapaghubog ng mga bagong lider at eksperto sa larangan ng imprastraktura.
Inamin ng kalihim na nahirapan siyang kumbinsihin si Esquibil dahil sa bigat ng responsibilidad at mga intrigang maaaring kaharapin nito, ngunit buo umano ang kanyang tiwala na aaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang rekomendasyon.
Kasabay nito, inihayag din ni Dizon na matatanggap na ng mga job order employees ang kanilang mga naantalang sweldo.
Ayon sa kanya, inatasan si Assistant Secretary Michael Villafranca na resolbahin ang isyu sa loob ng pitong araw, at tiniyak na hindi na muling maaantala ang sahod lalo na ng mga nasa field offices.
Ibinunyag din ng kalihim na may 1,993 bakanteng posisyon sa DPWH na nais niyang mapunuan, kung saan maaaring ma-promote maging ang mga job order employee batay sa kanilang performance bilang bahagi ng reporma para sa mas episyente at tapat na serbisyo publiko.