Iginiit ni Senador Pia Cayetano na maaaring maging hadlang sa pagkikita ng mga kaanak at kaibigan sa ibayong dagat ang bagong guidelines ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga Pilipinong aalis ng bansa.
Sa privilege speech ni Cayetano, sinabi niyang bagamat maganda ang intensyon ng bagong patakaran para sa mga Pinoy na aalis ng bansa ay nakapagdududa ring makapanghuhuli ng traffickers ang dami ng hinihinging dokumento.
Nanininiwala rin ang mambabatas na hindi ang bagong guidelines ang pinaka epektibong paraan para maprotektahan ang pinaka vulnerable sa human-trafficking cases tulad ng mga kabataan at mga kababaihan.
Sa halip ay malalabag pa nito ang ‘constitutional rights’ ng isang Pilipino na makabiyahe at makapiling ang mga mahal sa buhay.
Inihalimbawa ni Cayetano ang isa sa mga requirements lalo na kapag ‘sponsored’ ang isang biyahe kung saan kailangan kumuha ng sponsor ng authenticated na ‘original affidavit of support’ na notarized ng Philippine Embassy Consulate o ng Honorary Consulate.
Ipinaliwanag ng mambabatas na maraming bansa ang walang consular office at kinakailangang bumiyahe pa ng ilang oras at napakalayo para makapunta sa embahada para magpa-aunthenticate ng naturang affidavit na ibibigay nila sa sponsored traveler na Pilipino.
Dahil sa nakakapagod na proseso at dagdag gastos na requirements ay nagbabala si Cayetano na posibleng hindi na magkita ang mga mahal sa buhay dahil sa napakahirap na proseso na ito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News