Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko kaugnay ng panibagong human trafficking modus na target ang mga nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa bilang mga household worker.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, 2 babae ang naharang sa NAIA terminal 3 nang tangkain nitong umalis sakay ng Cebu Pacific flight papuntang Dubai noong Abril 14.
Ang mga biktima ay nagpanggap bilang Muslim pilgrims, at nagpaplanong bumiyahe sakay ng bus papuntang Kingdom of Saudi Arabia upang lumahok sa Umrah.
Umamin din ang dalawang biktima matapos mabuko dahil sa hindi pagkakapare-pareho ng kanilang mga pahayag at gawa-gawa lamang anila ang mga dokumento, at na-recruit sila sa pamamagitan ng Facebook ng isang babae na nagproseso ng kanilang mga visa at tiket.
Sinabi rin ng mga biktima na peke ang dahilan na sila’y nagbalik-loob sa Islam at planong manatili ng 7 araw sa Saudi.
Ayon pa kay Tansingco ang mga trafficker na ito ay hindi titigil sa kanilang raket para kumita ng pera at inabuso pa nila ang relihiyon para makaiwas sa inspeksyon sa immigration. —sa ulat ni Tony Gildo