Magsisilbing gabay para sa maayos na pamamahala sa bansa ang government slogan na “Bagong Pilipinas”.
Reaksyon ito ni Senador Jinggoy Estrada kaugnay sa inilunsad na brand of governance and leadership ng administrasyon.
Inaasahan na ni Estrada na magkakaroon ng magkakaibang opinyon ang inilabas na branding subalit ang mahalaga anya ay ang tunay na intensyon at potensyal ng bagong governance brand.
Sinabi ng senador na hindi lamang ito superficial image-building at sa halip ay para ito sa pagsusulong ng maayos na liderato sa lahat ng level ng gobyerno at inaasahang nakapaloob dito ang transparency, paglaban sa katiwalian at pag-angat ng buhay ng mga Pilipino.
Iginiit pa ni Estrada na kailangan ng bansa ang gobyerno na responsive, accountable, at dedicated sa kapakanan ng taumbayan.
Samantala, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na hindi naman slogan lamang ang kailangan upang matiyak ang maayos na pamamahala sa bansa.
Sinabi ni Hontiveros na dapat bago nagbago ng slogan ay naglatag muna ng mga magaganda at epektibong programa na nararamdaman ng taumbayan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News