dzme1530.ph

Bagong gimik ng tobacco industry, binatikos ng Child Rights Network group

Binatikos ng grupong Child Rights Network (CRN) ang bagong gimik ng industriya ng tabako na dumarami ang mga Pinoy na tumigil sa paninigarilyo dahil sa heated tobacco products.

Ayon sa grupo, hindi dapat magpalinlang ang mga mamamayan sa istratehiyang ito ng tobacco industry para pagtakpan ang malalang problemang idinulot sa pagka-adik ng mga kabataan sa pagve-vape.

Sinabi ni CRN Convenor at Executive Director ng Philippine Legislators Committee on Population and Development Romeo Dongeto, napababa ang bilang ng mga naninigarilyo dahil sa epektibong mga batas sa tobacco control lalo na ang pagtaas ng buwis at hindi ang heated tobacco products.

Aniya, batay sa pinakabagong Global Youth Tobacco survey, 1 sa bawat 7 estudyanteng Pinoy na may edad 13-15 anyos ang gumagamit ng vapes o e-cigarettes na bagong kalbaryo sa bansa.

Kaugnay nito, pinayuhan ng Child Rights Network ang publiko na bantayan ang tobacco industry sa pag-brand sa e-cigarettes kontra sa Smoke-Free Philippines.

Hindi anila lingid sa taumbayan na bilyun-bilyon ang budget ng tobacco industry para sa mga eksperto sa marketing at kita ang habol na ang target na malulon sa nicotine addiction sa makabagong teknolohiya ay mga kabataan. —sa ulat ni Neil Miranda, DZME News

About The Author