dzme1530.ph

Bagong AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., hinimok ng Pangulo na i-recalibrate ang internal security operations ng militar

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines na si Gen. Romeo Brawner Jr., na i-recalibrate o baguhin ang diskarte sa internal security operations upang matiyak na maihahatid ang serbisyo publiko sa mga liblib o geographically isolated at disadvantaged communities. 

Sa kanyang talumpati sa Change of Command Ceremony sa Camp Aguinaldo, Quezon City, inihayag ng Pangulo na may tiwala siya sa malawak na karanasan ni Brawner sa pagtataguyod ng kapayapaan sa mga lugar na apektado ng mga tensyon. 

Naniniwala rin ang Commander-in-Chief na sa ilalim ng pamumuno ni Brawner ay mas magiging ligtas ang bansa, at mahihikayat ang mas marami pang rebelde na sumuko sa batas at maging kapaki-pakinabang na mamamayan. 

Umaasa rin si Marcos na patuloy na isusulong ng AFP ang seguridad at soberanya ng bansa sa harap ng mga pagsubok. 

Samantala, nagpasalamat din ang Pangulo para sa 39 na taong panunungkulan ni retired AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino, na ngayon ay itinalagang Presidential Adviser on West Philippine Sea. 

Kasabay nito’y muling tiniyak ni Marcos na patuloy na isusulong ng administrasyon ang modernisasyon at pagpapalakas ng external defense capabilities ng AFP. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News 

About The Author