Naantala ng halos apat na oras ang flight ng Cebu Pacific mula Bacolod patungong Maynila matapos makatanggap ng bomb treat ang ilang pasahero nito.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, naiparating ang bomb threat sa pamamagitan ng “Air Drop” message sa mga pasahero ng Cebu Pacific flight 5J 472 na patungo sanang Maynila mula Silay City, Negros Occidental dakong alas-11:39 ng gabi.
Agad inabisuhan ang Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) hinggil sa insidente kaya’t pinababa ang lahat ng sakay ng eroplano gayundin ang mga bagahe nito.
Ginalugad ng bomb squad ang naturang eroplano para tingnan kung totoo ang naturang banta sa pamamagitan ng paneling habang sumailalim sa x-ray ang mga pasahero para sa final security check.
Tumagal ng dalawang oras ang naturang proseso at nang magnegatibo ito sa anumang bomba, matagumpay ding nakalipad ang eroplano dakong alas-2:18 ng umaga, sakay ang 193 na pasahero.
Sinabi ni Apolonio na mahigpit ang ugnayan nila ng Cebu Pacific, Manila International Airport Authority (MIAA) at PNP AVSEGROUP hinggil sa palitan ng impormasyon sa insidente. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News