dzme1530.ph

Baclaran church, ipinadedeklarang historic site

Matapos ideklara ng National Museum ang Baclaran Church bilang isang “important cultural property,” isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukala na hirangin ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help at ang lugar sa paligid nito bilang isang heritage site at tourist destination.

Sa kanyang Senate Bill No. 2278, sinabi ni Estrada na bahagi na ng ispiritwal na buhay ng mga Pilipino ang simbahan ng Baclaran at parte na rin ito ng makasaysayang tradisyon ng mga Katoliko sa bansa, lalo na ang mga naninirahan sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Binigyan diin ng senador ang kahalagahan ng pagdedeklara sa Baclaran Church compound sa Roxas Boulevard sa Parañaque City bilang isang heritage site at tourist destination.

Ang deklarasyong ito anya ay naglalayong itatag ang patakaran na magpapanatili ng kahalagahan nito sa kasaysayan at panlipunang kultura, gayundin ang pagtiyak ng accessibility, convenience at kaligtasan ng mga bumibisita dito sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapanatili ng angkop na pasilidad at imprastruktura sa lugar.

Sa paghirang dito bilang isang heritage site at tourist destination, aatasan ang Department of Tourism (DOT) na makipagtulungan sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Public Works and Highways (DPWH), lokal na pamahalaan ng Parañaque, at iba pang kinauukulang ahensya na maglatag ng plano para mapaunlad ang turismo sa lugar.

Kasama sa plano na ito ang pagtatayo, paglalagay, at pagpapanatili ng angkop na pasilidad at imprastruktura upang mapahusay ang kabuuan ng paligid ng Baclaran Church, at tiyakin ang accessibility at seguridad ng mga turista. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author