Pinasasalamatan ng Bureau of Immigration (BI) ang PNP at NBI sa pagkaka-aresto sa 2 indibidwal na sangkot sa pag-receuit ng mga Pilipino upang magtrabaho sa scam hubs sa Myawaddy, Myanmar.
Sinabi ni BI commissioner Joel Anthony Viado na nakatanggap siya ng mga ulat na dalawang indibidwal ang naaresto ng PNP at NBI dahil sa umano’y panghikayat sa mga biktimang Pilipino na magtrabaho sa scam hubs sa ibang bansa.
Matatandaang umabot na sa 206 na mga biktima ng trafficking ang naibalik mula sa Myanmar sa pamamagitan ng magkasanib na mga ahensya na miyembro ng Inter-Agency Council against Trafficking (IACAT).
Si Alias ’Fiona’ ay naaresto sa Zamboanga ng PNP matapos na mai-tag ng mga biktima bilang isang facilitator para sa iligal exit sa pamamagitan ng backdoor.
Kinumbinsi umano ni Fiona ang mga biktima na umalis nang ilegal sa pamamagitan ng backdoor at inalok na magtrabaho bilang customer service representatives sa ibang bansa.
Samantala, inaresto ng mga operatiba ng NBI si Alias ’Jon Jon’, na kabilang sa mga indibidwal na naibalik noong Marso 26, inamin na nabiktima siya ng sindikato sa ibang bansa, ngunit kalaunan ay na-tag ng kanyang mga kasamahan bilang isa sa mga recruiter na nag -alok ng trabaho sa Thailand ngunit dinala sila sa Myanmar kung saan sila inabuso at pinilit na magtrabaho bilang scammers.