Sa kulungan ang bagsak ng isang bisita sa Taguig City Jail makaraang mabisto ang itinago niyang droga sa zipper ng kanyang pantalon.
Dadalawin sana ng 31-anyos na babae ang kanyang live-in partner na nakakulong sa Metro Manila District Jail Annex 2, nang mabuking ng mga otoridad ang tangkang pagpuslit niya ng 18.5 grams ng hinihinalang shabu.
Nabatid na ang kaniyang live-in partner ay nakaditine sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility bunsod ng drug charges.
Ayon sa jail warden na si Inspector JM Sabeniano, sinamantala ng babae ang bugso ng dalaw sa nakalipas na Semana Santa at inakalang magiging maluwag sa protocol sa pagpapapasok ng mga bisita.
Nang kapkapan ang babae ay naramdaman ng guwardiya ang nakaumbok sa harapan ng pantalon nito at nang tastasin ang bahagi ng zipper ay tumambad ang tatlong pakete ng shabu na may street value na ₱125,000.