Pumalag ang grupo ng Center for Environmental Concerns (CEC) sa gobyerno dahil sa hindi umano sapat na ayudang ibinibigay sa mga mangingisda na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Jordan Fronda, advocacy coordinator ng CEC, ang epekto ng oil spill at fishing ban ay long-term kung kaya’y hindi sapat ang one-time assistance.
Base sa survey na isinagawa ng Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE), lumabas na 90% o mayorya ng mga respondents sa mga munisipalidad ng Calapan at Pola ang nagsasabi na hindi sapat ang ayuda para sa kanila.
Dagdag pa ni Berto Alinea ng Serve the People Corps-Southern Tagalog, malala ang naging epekto ng insidente sa mga mamamayan sa lugar kaya dapat lamang na magkasa ang pamahalaan ng mas komprehesibong hakbang para tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Matatandaang batay sa datos ng NDRRMC, pumalo sa halos 175,000 katao ang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro. —sa panulat ni Jam Tarrayo