Pinamamadali ni Sen. Sherwin Gatchalian sa gobyerno ang pamamahagi ng financial support sa mga magsasaka na apektado ng El Niño na sa pagtaya ay posibleng tumindi pa ngayong buwan.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa mahigit ₱2.63-B ang halaga ng pinsala sa agrikultura bunsod ng matinding init at nasa halos 20 local government units na ang nagdeklara ng State of Calamity.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na mahalagang may pondong ipamamahagi upang maprotektahan ang mga investment ng mga magsasaka at marevive ang kanilang mga pananim.
Nagbabala pa ang senador ng posibleng kakapusan ng bigas dahil sa epekto ng El Niño.
Dapat ngayon pa lamang anya ay masuri na ng Department of Agriculture ang rice supply ng bansa hanggang sa susunod na anim na buwan.
Kung hindi aniya kakayanin ng lokal na produksyon ay mahalagang makipag-ugnayan na sa mga bansang pag-aangkatan ng bigas.