Pinatawan ng contempt ng quad committee si Atty. Harry Roque dahil sa disrespect.
Una nito inungkat ni Cong. Ron Salo ang kabiguan ni Atty. Roque na dumalo sa pagdinig ng quad comm noong Aug. 16, 2024.
Sa sulat nito sa Komite, may hearing umano siya sa petsang Aug. 15 kaya hindi ito makakadalo.
Gayun man, sa sertipikasyon ng Manila RTC na nakuha ng Komite, pinatunayan nito ang scheduled hearing ni Roque sa petsang August 15, subalit sa isa pang sertipikasyon, walang nakalistang hearing ang abogado sa petsang August 16.
Ayon kay Salo malinaw na paglabag ito sa Sec. 11, Paragraph E, ng Rules on Procedure in Aid of Legislation na ang pagsisinungaling ng resource person ay pagpapakita ng kawalan ng respeto sa komite.
Humingi naman ng paumanhin si Roque at sinabing “honest mistake” ang nangyari dahil bilang dating kasapi ng Kamara, alam nito na walang hearing na ginagawa kapag araw ng Biyernes.
Ang pagkakamali niya umano, inakala nya na ng August 16 ay araw ng Huwebes kaya nag-abiso siya sa Komite na may hearing ito.
Matapos ang mahabang pang-uusap ng mga kasapi ng quad comm, nagpasya ang panel na i-cite in contempt si Roque.
Mananatili si Atty. Roque sa detention facility ng Kamara sa loob ng 24-oras. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News