Sinita ni Cong. Romeo Acop, chairman ng House Committee on Transportation ang LTFRB dahil sa atrasadong release ng “fuel subsidy” o Pantawid Pasada Program sa public utility drivers.
Sa pagdinig ng komite, iniulat ng LTFRB na nasa 197,000 na out of 280,000 PUV driver beneficiaries ang nabigyan ng subsidiya.
Kinontra ito ni Acop dahil sa hawak na impormasyon at record, aabot pa lamang sa 41.5% ang na-disburse mula sa 2023 budget, at ngayong 2024 may panibago na namang P2.4-B budget para dito.
Pagtatanggol naman ni DOTr Asec. Jesus Gonzales, may kondisyon sa 2023 General Appropriations Act (GAA), na ilalabas lamang ang pondo sa fuel subsidy kapag pumalo sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude oil sa tatlong magkakasunod na buwan, at nangyari ito noong Hunyo, Hulyo at Agosto.
September 2023 inilabas ng DBM ang Special Allotment Release Order o SARO, at dito pa lang umano na-transfer ang 3-B peso pondo sa LTFRB.
Dito pumalag si James Evangelista ng DBM dahil sa kanilang record, “fully released” na ang 2023 fuel subsidy budget, at maging ang 2.4-B ngayong 2024 ay nailabas na rin.