Iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat kumpiskahin at itake over ng gobyerno ang mga gusali, pasilidad at kagamitan ng mga sinalakay na illegal POGO sa bansa.
Nakasaad ito sa isinusulong na Anti-POGO bill ng mambabatas na kasalukuyan nang pinagdedebatehan sa plenaryo ng Senado.
Alinsunod sa Section 14 ng proposed Anti-POGO Act o Senate Bill 2868, lahat ng gusali, istruktura at assets ng mga iligal na POGO ay kukumpiskahin ng gobyerno.
Kukunin din ng pamahalaan ang gaming equipment at gaming paraphernalia na dapat wasakin ng mga awtoridad.
Una rito, inamin ni Justice Usec. Nicholas Ty, head ng Inter-Agency Counfil Against Trafficking, na usaping ligal kung paano gagamitin ng gobyerno ang assets ng mga iligal na POGO para makatulong sa mga naging empleyado at biktima ng trafficking.
Naniniwala si Gatchalian na sa pamamagitan ng kanyang Anti-POGO bill ay matutugunan ito kaya umaasa siya na susuportahan ito ng Malakanyang.
Sa kasalukuyan ginawa nang detention facility para sa mga dayuhang nahuling sa mga POGO ang gusali ng iligal na POGO sa Pasay City.
Inirekomenda naman ng Presidential Anti Organized Crime Commission na gamitin ang mga POGO facilities bilang tanggapan ng gobyerno, eskwelahan o evacuation centers. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News