Bigong mapabilang sa agenda ng huling araw ng sesyon ng Senado kagabi ang inendorsong articles of impeachment ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay kahit pa naisumite rin agad ng Kamara ang kopya ng articles of impeachment sa Senado matapos mapagbotohan ng 215 na mga kongresista ang reklamong pagpapatalsik sa Bise Presidente.
Nag-adjourn ang sesyon bago mag alas-7 ng gabi at wala ni isang senador ang tumayo para magmanifest tungkol sa natanggap na articles of impeachment laban kay Duterte.
Bago magtapos ang sesyon ay nagmosyon si Sen. Joel Villanueva na adjourned na ang sesyon at muling magbabalik sa June 2, 2025.
Sa huling bahagi ng sesyon ay binasa ni Villanueva ang Senate Resolution 21 kung saan binibigyang otorisasyon ang lahat ng regular standing committees, oversight committees at special committees na magsagawa ng pagdinig, pulong at konsultasyon tuwing recess.
Ipinaliwanag ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na kahit pa natanggap na nila ng pormal ang kopya ng verified impeachment complaint ay hindi pa siya nakakapagsumite kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ng official report tungkol dito.
Ayon kay Bantug, kinailangan pa kasi nila itong rebyuhin at beripikahin isa-isa upang matiyak na tugma ang kopya na isinumite sa Senado.