Inaasahang maglalabas ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrants laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa kalagitnaan ng taon, at susunod ang anak nito na si VP Sara Duterte at iba pang mga personalidad kaugnay ng war on drugs.
Ayon kay dating senador Antonio Trillanes IV, simula nang umpisahan ang preliminary examination, pati na sa pagsasagawa ng imbestigasyon hanggang sa pagbasura sa apela ng dating pangulo, ay nakikipag-ugnayan na siya sa mga kinatawan ng ICC.
Sa pagtaya ni Trillanes, posibleng i-release ang warrant sa huling bahagi ng second quarter, kaya inaasahang mangyayari ito sa Hunyo o Hulyo.
Sinabi ng dating senador na base sa kanyang pagkakaintindi ay “by batch” ang gagawing pag-iisyu ng arrest warrant, at una nga rito ay ang nakatatandang Duterte, habang sa susunod na batch ang mayroong malalaking papel sa drug war.
Binigyang diin ni Trillanes na hindi lang siya basta “marites” dahil direkta siyang nakikipag-ugnayan sa ICC simula pa noong 2017.