May contingency plan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga Pilipinong mangingisda sa sandaling ituloy ng China ang panghuhuli nito sa mga mangingisdang papasok sa kanilang mga inaangking teritoryo sa West Philippines Sea (WPS)
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, inihayag ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na mariin nilang tinututulan ang Unilateral Fishing Ban ng China dahil wala itong legal basis sa International Law.
Hindi rin umano akma ang ganitong Maritime Claim sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at malinaw itong paglabag sa 2016 Arbitral Ruling na nagpatibay sa pribilehiyo ng mga mangingisdang Pilipino na Pumalaot sa West Philippine Sea.
Sa kabila nito, tumanggi muna ang AFP na ibahagi ang detalye ng contingency plan upang hindi ito malaman ng China.