Inirekomenda ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na pag-aralan ng Office of the Solicitor General ang paghahain ng Special Action for Recognition of Foreign Judgement sa Korte Suprema kaugnay sa panalo natin sa Permanent Court of Arbitration.
Layun nito, ayon kay Escudero na pormal nang makilala sa ating bansa ang pagpabor ng The Hague sa pagkatig na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ng senador na kapag nagkaroon ng pasya ang Supreme Court na kikilala sa arbitral ruling ay magiging bahagi na ito ng batas ng Pilipinas.
Sa pamamagitan anya nito ay hindi na mababago o mababaligtad ang posisyon ng Pilipinas sa WPS sakali mang iba ang maging pananaw ng mga susunod na lider o Presidente ng bansa.
Sinabi ng senador na naibahagii na niya ang suhestiyon sa ilang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasabay nito, kinumpirma ni Escudero na hindi siya pabor na iakyat sa United Nations General assembly (UNGA) ang isyu sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ni Escudero na posibleng mapahina pa nito ang naging ruling arbitration court na pabor sa Pilipinas.
Ang mas makabubuti anya ay pagtibayin resolusyon ng Senado na nagrerekomenda sa executive branch ng iba’t ibang posibleng hakbang para tugunan ang isyu sa pinag-aagawang teritoryo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News