![]()
Mahigit dalawang oras binayo ng Typhoon Uwan ang lalawigan ng Aurora, na nagdulot ng malalakas na hampas ng hangin at matitinding pag-ulan. Dahilan ito upang ma-isolate ang ilang bayan sa hilagang bahagi ng lalawigan.
Sinabi ni Aurora Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head, Engr. Elson Egargue, na nananatiling isolated at mahirap pasukin ang mga bayan ng Dipaculao, Dinalungan, Casiguran, at Disalag bunsod ng sunod-sunod na landslide.
Isang bahagi ng Baler-Casiguran Highway sa Sitio Amper, Barangay Gupa sa Dipaculao, ang naputol matapos ma-washout ng daluyong, dahilan upang hindi madaanan ang ruta.
Umabot sa tatlong metro ang taas ng storm surges o mga daluyong na tumama sa coastal areas ng Baler, Dingalan, Dipaculao, at Dinalungan.
Nag-landfall ang Typhoon Uwan sa bayan ng Dinalungan, subali’t ayon kay Egargue, limitado lamang ang impormasyong nakarating sa Aurora PDRRMO Emergency Command Center sa Baler dahil sa problema sa komunikasyon.
