![]()
Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pangangailangang maisama ang anti-epal provision sa panukalang pambansang budget para sa 2026 upang tuldukan ang tinawag niyang politisasyon sa pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa period of amendments para sa 2026 national budget, inirekomenda ni Lacson ang pagdaragdag ng isang special provision na mahigpit na magbabawal sa lahat ng incumbent public officials, mga kandidato sa eleksyon, mga pulitiko, at kanilang mga kinatawan na dumalo, lumahok, mang-impluwensya, o makialam sa distribusyon ng anumang cash assistance o ayuda ng DSWD.
Kasama rin sa panukalang probisyon ang pagbabawal sa anumang political signage, branding, paraphernalia, at iba pang political activities sa mismong bigayan ng ayuda.
Nakasaad pa sa mungkahing special provision na mahaharap sa administrative sanction ang sinumang tauhan ng DSWD na papayag o magpapahintulot sa partisipasyon ng mga politiko sa mga aktibidad ng pamamahagi ng tulong.
Ayon kay Lacson, kinakailangang matiyak na hindi nagagamit sa political exploitation at manipulation ang mga programa ng gobyerno, lalo na’t ang pangunahing benepisyaryo ng mga ito ay ang mga kapus-palad.
Inaasahang tatalakayin pa ng Senado ang iba pang proposed amendments bago pagtibayin ang final version ng 2026 national budget.
