dzme1530.ph

Amo ng minaltratong kasambahay, papanagutin sa krimen

Tiniyak ni Senador Jinggoy Estrada na pananagutin sa batas ang mga amo ng kasambahay ni Elvie Vergara na minaltrato dahil umano sa pagnanakaw.

Sinabi ni Estrada na kung totoo ngang nagnakaw ang kasambahay, dapat ligal na proseso ang ginawa ng kanyang amo at hindi ang kasuklam-suklam na pangmamaltrato ang iginawad sa kanya.

Wala anyang karapatan ang amo ni Vergara na pinagsilbihan niya ng anim na taon na ilagay ang batas sa kanilang kamay.

Tiniyak ng mayakda ng Kasambahay Act o ang Republic Act No. 10361 na gagamitin ang lahat ng kanyang legislative powers upang mapapanagot sa batas ang amo ni Vergara.

Tiniyak din niyang tutustusan ang gastusin sa operasyon sa mata nito matapos mabulag dahil sa pangmamaltrato.

Inihalintulad pa ni Estrada ang kaso nito sa naging sitwasyon ng kasambahay na si Bonita Baran, na nabulag dahil sa pang-aabuso ng kanyang mga amo.

Si Estrada ang nangasiwa ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng kaso ni Baran noong 2012 na naging daan para mapabilis ang pagsasabatas ng RA 10361 o ang Domestic Workers Act na nagtatakda ng mga patakaran para sa proteksyon at kapakanan ng mga kasambahay. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author