Kulong ngayon sa Senado ang amo ng minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara makaraang i-cite for contempt dahil sa pagsisinungaling.
Sa mosyon ni Senador Jinggoy Estrada at sinegundahan ni Senador Ronald Bato dela Rosa, inaprubahan ng kumite ang pag-contempt kay France Garcia Ruiz.
Sa pagdinig, hindi napigilang mailabas ng ilang senador ang kanilang inis kay Ginang France partikular nina Estrada at Raffy Tulfo nang paulit-ulit siyang tinanong kung handa itong sumailalim sa lie detector test kung hindi ito nagsisinungaling sa paninindigan na hindi siya ang nambugbog kay Aling Elvie.
Sa ilang beses kasing tanong ng mga senador, paulit ulit din ang sagot ni Ruiz na papayag siyang sumalang as lie detector test kung papayag din ang iba pang testigo.
Sa huli, napapayag si Ginang France na magpalie detector nang igiit ni Estrada na makakatulong ito sa kanilang patunayan na hindi sila nagsisinungaling.
Humarap sa pagdinig ang mga kasamahan ni Aling Elvie na sina Jay Ar Diminez, alyas Dodong, John Patrick Simbaon at John Mark Taroma.
Sa testimonya nina alyas Dodong at Taroma, pinatunayan nila ang pambubugbog ni Ginang France kay Aling Elvie.
Kinontra rin ng mga testigo ang pahayag ng naturang amo na naglalagay si Aling Elvie ng pubic hair sa kanilang pagkain at pako na may kalawang sa heater.
Ginisa rin nina Estrada at Tulfo si Ginang France sa akusasyon nito na may problema sa pag-iisip si Aling Elvie kaya’t nais na nila itong paalisin subalit nakiusap dahil wala itong pupuntahan.
Pinasinungalingan din ng tatlong testigo ang pahayag ni France na may diperensya sa pag-iisip si Aling Elvie at iginiit nila na maayos nilang nakakausap ang kasambahay.
Sinabi ni Estrada na mapagsamantala si France dahil ginamit niyang pagkakataon ang sinasabing diperensya sa pag-isip ng kasambahay para mababang sahod lang ang kanyang ibiga.
Inilarawan naman ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na bayolenteng tao at walang awa si Ginang France dahil sa panggugulpi nito sa kay Aling Elvie. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News