dzme1530.ph

America, magpapadala ng aircrafts sa EDCA sites upang tumulong sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na apektado ng bagyong Kristine

Magpapadala ng aircrafts ang America upang tumulong sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Kristine”.

Sa situation briefing sa NDRRMC na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., napag-usapan na may mga lugar na pahirapan pa ring hatiran ng tulong sa harap ng patuloy na pananalasa ng bagyo.

Kaugnay dito, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na inalerto na ang lahat ng aircrafts, at nakipag-ugnayan na rin ito sa kanilang US counterparts para sa pagpapadala ng aircrafts sa pamamagitan ng EDCA sites.

Sa ambush interview ay sinabi naman ni Marcos na ia-activate ang EDCA sites para sa pag-responde sa bagyo.

Idinagdag pa ni Brawner na itatatag ang multinational coordination centers sakaling may papasok pang tulong mula sa ibang bansa.

Samantala, sinabi rin ni Defense Sec. Gibo Teodoro na nakikipag-unayan na sila sa ASEAN neighbors tulad ng Brunei, Indonesia at Malaysia para sa kaukulang tulong, at gayundin sa Singapore para sa pagdedeploy ng kanilang airlift at iba pang manpower assistance. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author