dzme1530.ph

Alyansa ng Pilipinas sa mga bansang apektado ng pang-aangkin ng teritoryo ng China, dapat palakasin!

Iginiit ni Senador JV Ejercito ang pangangailangan na palakasin ng Pilipinas ang alyansa nito sa iba pang bansa na apektado na rin ng pang-aangkin ng teritoryo ng China.

Tinukoy ni Ejercito ang Indonesia, Malaysia, Vietnam at ang pinakahuli ay ang India na nakasama na rin sa 10-dash line map ng China.

Tinawag din ni Ejercito na delusional ang China na patuloy ang pagiging agresibo na paraan ng kanilang intimidasyon sa mga bansang kaagaw nito ng teritoryo.

Duda rin ang senador na tutugon ang China sa Code of Conduct dahil hindi nga nito kinikilala ang The Hague Ruling na kumikilala sa ating Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.

Dapat din anyang panatilihin ng Pilipinas ang alyansa sa mga bansang Japan, South Korea at Estados Unidos para sa pagsasagawa ng joint patrol sa lugar.

Bukod dito, kailangan na ring pagsikapan ng gobyerno ang pagkakaroon ng minimum defense posture sa pamamagitan ng modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author