dzme1530.ph

Alyansa bets, kumbinsido kaya pang ibaba ang presyo ng bigas pero duda na aabot sa ₱20 per kilo

Loading

Kumbinsido ang Senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na kaya pang maibaba ang presyo ng bigas subalit hindi sila tiyak na aabot ito sa ₱20 kada kilo.

Sa press briefing sa San Jose del Monte City, Bulacan, sinabi ni dating Senate President Tito Sotto na malaki ang posibilidad na maibagsak pa ang presyo ng bigas subalit hindi niya matiyak hanggang magkano.

Hindi naman naniniwala si dating Senador Panfilo Lacson na makakamit ng bansa ang ₱20 per kilo na bigas.

Iginiit naman ni dating Senador Manny Pacquiao na dapat maisaayos ang pamamahala sa agrikultura.

Binigyang-diin ni Pacquiao na dapat magkaroon ng konkretong programa ang gobyerno upang matiyak ang pagtulong sa mga magsasaka upang hindi na rin sila naabuso ng mga middleman.

Sinabi ni Pacquiao na kung maaari ay direktang bilhin na ng gobyerno ang produkto ng mga magsasaka upang matulungan silang mabigyan ng mas malaking kita.

Binigyang-diin naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na malaking tulong sa agrikultura ang inaprubahan nilang Philippine Agriculturist Act na makakahikayat sa kabataan na mag-aral ng agrikultura.

Ipinaliwanag ni Tolentino na nakasaad sa batas na kikilalanin ang agriculturists bilang higher level of profession.

May mga hakbangin na rin naman anya ang Department of Agriculture upang matiyak na maibaba ang presyo ng pagkain ang kailangan na lamang ay abangan ang epekto ng implementasyon ng mga hakbangin at mga batas.

About The Author