Nagkakaisa ang senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na kailangan ng magkakatuwang na pagkilos mula sa legislative review, enforcement at local accountability sa pagsusulong ng solusyon sa lumalalang polusyon sa Laguna Lake.
Sa press conference sa Laguna, ibinahagi ni dating DILG Sec. at Mandaluyong mayor Benhur Abalos ang kanyang karanasan sa pagtugon sa polusyon sa Pasig River.
Dapat aniyang alamin muna ang pinagmumulan ng problema at atasan ang nararapat na tanggapan na gumawa ng aksyon at papanagutin ang mga ahensyang hindi kumikilos.
Ipinaliwanag ni Abalos kung paano ipinatupad ng Mandaluyong City ang sewage connection program para sugpuin ang pagtatapon ng pollutans sa Pasig River.
Mahabang proseso aniya ang pagresolba sa problema pero dapat pagtiyagaan upang makamit ang minimithi nating maayos na kapaligiran.
Para kay ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, dapat bantayan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na nagtatayo ng kani-kanilang bahay malapit sa mga pader na naghihiwalay sa lawa, bukod sa ginagawang aksyon ng Laguna Lake Development Authority.
Mahalaga aniya ang papel ng mga LGU sa pagpigil sa pagkasira ng lawa, maging mahigpit są pagbibigay ng mga permit sa pagtatayo ng mga establisyimento malapit sa lawa.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na kailangang ma-review ang mandato ng LLDA upang matukoy kung may sapat pa itong ang kapangyarihan para tugunan ang problema sa polusyon sa lawa.
Mahalaga rin aniya na malaman kung ano mga sanhi ng pagdumi ng lawa, maging ang pinagmumulan nito.