Inanunsyo ng National Water Resources Board (NWRB) na simula sa May 11 ay sususpindihin na nila ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon mula sa Angat Dam sa Bulacan.
Ayon kay NWRB Director Sevillo David Jr., ito ay upang makapaghanda ang dam para sa susunod na panahon ng pagtatanim.
Aniya, halos lahat ng mga magsasaka ay nakapag-ani na at malapit na rin ang panahon ng tag-ulan kaya hindi na ganoon kalaki ang pangangailangan sa irigasyon.
Nilinaw ni David na magre-release muli ng tubig para sa irigasyon pagsapit ng kalagitnaan ng Hunyo, sa pagsisimula ng susunod na crop season.
Idinagdag ng NWRB Chief na kailangang ikonsidera ang pangangailangan sa tubig sa susunod na taon, depende sa magiging sitwasyon sa mga susunod na buwan. —sa panulat ni Lea Soriano