![]()
Itinuturing ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na bagong pork barrel ang tinatawag na allocable fund o ang pondong kadalasang iniaalok sa mga mambabatas para sa mga isusulong na proyekto.
Sinabi ni Lacson na sa kanilang pagsusuri sa 2025 national budget ay mailalarawan itong “corrupt to the core.”
Binigyang-diin ng senador na ngayon lang niya narinig ang mga tinatawag na “allocables” na nasa National Expenditure Program (NEP) at nagbibigay ng puwang para pondohan ang mga proyekto bago pa man sila matukoy.
Ipinagtataka ng senador kung bakit nauuna ang funding bago matukoy ang mga proyekto kahit na ang tamang proseso ay tukuyin muna ang proyekto bago ito hanapan ng pondo.
Iginiit pa ni Lacson na dapat magmula sa Regional Development Council ang mga proyekto bago lagyan ng alokasyon sa NEP.
Tiwala naman ang mambabatas na mabubura na sa 2026 national budget ang allocable fund at maituturing na itong “most transparent national budget” ng bansa.
