Itinanggi ng alkalde ng Bamban, Tarlac na sangkot ito sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid ng mga otoridad noong nakaraang buwan bunsod ng mga hinihinalang iligal na aktibidad.
Ibinasura ni Mayor Alice Guo ang mga akusasyon na kinukunsinti niya ang umano’y illegal activities ng Zun Yuan Technology Incorporated.
Iginiit ni Guo na kailanman ay hinding hindi niya kukunsintihin at isasangkot ang sarili sa mga kaso ng human trafficking, torture, at illegal detention na pawang heinous crimes.
Tiniyak din ng alkalde na bukas siya sa anumang imbestigasyon ng mga tamang otoridad sa tamang forum.
Una nang pinaghinalaan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang posibleng pagkakaugnay ni Guo sa POGO hub, matapos matukoy sa isang resolusyon ng Sangguniang Bayan na ito umano ang nag-apply ng lisensya noong private citizen palang ito, para makapag-operate ang Hongsheng Gaming Technology Inc.
Ni-raid ang Hong Sheng noong February 2023 at ang kaparehong compound ang ginamit ng Zun Yuan Technology na sinalakay din noong nakaraang buwan.