dzme1530.ph

Alingasngas ng pagpapalit ng liderato sa Senado, natuldukan

Natuldukan sa adjournment ng sesyon kagabi ang alingasngas ng posibilidad na mapalitan si Senate President Francis Escudero na ilang buwan pa lamang nakaupo bilang lider ng Senado.

Alas-7:00 kagabi ay nag-adjourn ang sesyon ng Senado para sa kanilang mahigit isang buwang break at magbabalik ang sesyon sa Nob. 4.

Mas mahaba ngayon ang break ng Kongreso para sa Undas bilang pagbibigay daan sa panahon ng paghahain ng kandidatura para sa 2025 midterm elections.

Bago nag-adjourn, nagpaalala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na mayroon silang standing resolution na nagpapahintulot sa lahat ng kumite na magdaos ng hearing at mga imbestigasyon kahit nakabakasyon ang sesyon.

Pinasalamatan naman ni Escudero ang mga staff kasabay ng paghahangad na nawa’y magkaroon ng relaxed at enjoyable break.

Sa pansamantalang pagsasara ng sesyon, nananatili si Escudero bilang lider ng Senado dahil maaari lamang ideklarang bakante ang pinakamataas na posisyon sa Senado kapag panahon ng sesyon.

Sa mga nakalipas na araw ay naging maugong ang sinasabing planong kudeta laban kay Escudero subalit ito ay kanyang ipinagkibit balikat lamang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author