dzme1530.ph

Alice Guo, pipigain ng mga Senador sa pagdinig kaugnay sa POGO operations

Pipigain ng mga senador si dismissed Bamban Tarlac mayor Alice Guo kaugnay sa iba pang detalye ng POGO operations sa Bamban at maging sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, hindi nila titigilan ng pagtatanong ang sinibak na alkalde hanggang makuha nila ang balidasyon sa mga impormasyon na kanilang hawak kaugnay sa mga posibleng kasabwat nito sa pagtatayo ng mga POGO hub.

Bukod dito, diretsa rin anya nilang tatanungin kay Guo kung sinu-sino ang tumulong sa kanila upang sila ay makatakas sa kabila ng kinakaharap nilang warrant of arrest.

Sa executive session, sinabi ni Gatchalian na may mga pangalan nang lumutang na may kaugnayan kay Guo subalit mas maganda aniyang manggaling na ito mismo sa bibig ng dating alkalde.

Muling iginiit ni Gatchalian na wala nang ibang patutunguhan si Guo kaya’t mas makabubuti pang magsabi na ito ng totoo at ilantad ang kanyang mga kasabwat.

Mamayang alas-10 ng umaga ay inaasahang dadalhin ng PNP ang sinibak na alkalde sa Senado para humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Women kaugnay sa POGO operations. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author