Inamin ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na tinangka niyang bumili ng bahay sa Alphaland Baguio Mountain Log Homes sa halagang ₱95 million.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, nairita pa si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada nang hindi siya agad sagutin ni Alice Guo kung bakit hindi natuloy ang pagbili niya ng log home.
Kinalaunan, sinabi ni Guo na hindi niya nabili ang log home dahil sa kakapusan ng pondo subalit inamin na nakapag-downpayment na ng 15% na hindi na niya nabawi.
Nahalungkat ito nang magpakita ng larawan si Estrada ng birthday celebration ni Sual Mayor Liseldo Calugay sa Baguio Alphaland noong August 2022.
Samantala, bago suspindihin ang pagdinig, kinompronta ni Sen. Ronald dela Rosa si Alice Guo at maging si retired Gen. Raul Villanueva kung sino ang tinutukoy na dating PNP chief na nakapayroll sa POGO.
Sinabi ni Alice Guo na walang ganung pangyayari kasabay ng paggiit na wala siyang kaugnayan sa POGO.
Iginiit naman ni Villanueva na bagama’t wala pa silang pangalan kung sino ang tinutukoy na dating PNP chief ay tiyak siyang hindi si dela Rosa ang tinutukoy.
Sa kabilang dako, isiniwalat naman ni Sen. Joel Villanueva na sa lahat ng kumpanya ni Alice Guo ay walang kahit sinong empleyado ang nakarehistro sa SSS, Pag-ibig at PhilHealth na isa pa rin anyang paglabag sa batas.
Kasabay nito, sinita rin ni Villanueva ang deklarasyon ni Calugay sa kanyang Statement of Contributions and Expenses noong 2019 na umabot lamang sa ₱45,000 habang noong 2022 ay umabot lamang sa ₱55,200. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News