Ibinunyag ni dating Sen. Panfilo Lacson na isang Filipino-Chinese trader ang nilapitan ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo upang mailakad siya sa First Family.
Sinabi ni Lacson na batay sa kuwento ng kaibigan niyang Filipino-Chinese trader, kinontak siya ni Guo sa pamamagitan ng common friend nung mga panahon na ipit na ipit na siya at nagtatago na.
Nag-alok aniya ang sinibak na alkalde ng ₱1-B kapalit ng tulong na mailapit siya sa First Family.
Nilinaw naman ng dating senador na hindi niya agad pinaniniwalaan ang kuwento ng kanyang Filipino-Chinese trader hanggang sa nagpakita aniya ito ng mga larawan ni Guo magkasama sila at nag-uusap.
Sinabi ni Lacson na ito ang kanyang pinagbabatayan ng panawagan sa gobyerno sa mga awtoridad na laliman ang imbestigasyon kay Guo na inilarawan niyang posibleng trained foreign spy.
Iginiit ng dating mambabatas na kung napeke ni Guo ang pagiging alkalde, hindi malayong umakyat siya bilang kongresista kung hindi nabuking ang kanyang mga operasyon.
Ipinaalala pa ni Lacson na kung totoong isang foreign spy si Guo ay nanganganib ang national security.
Nanawagan ang dating mambabatas sa intelligence community na isama si Guo sa kanilang essential elements of information at laliman ang kanilang background checking at investigation. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News