Naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na hindi nagtatapos kay dismissed Bamban Tarlac mayor Alice Guo ang mga malalaking personalidad na sangkot sa POGO operations sa bansa.
Kaya tiniyak ni Hontiveros na tutumbukin ng Senate Committee on Women ang lahat ng taong sangkot sa POGO na naging ugat din ng iba’t ibang krimen tulad ng human trafficking at scamming.
Sa Lunes ay muling aarangkada ang pagdinig kung saan inaasahan ang pagharap ng sinibak na alkalde matapos na ring payagan ng korte ang hiling ng kumite na dalhin siya sa Senado para sa pagdinig.
Target din ng kumite na matukoy ang mga tumulong kay Guo para makatakas palabas ng bansa sa gitna ng kinakaharap nitong warrant of arrest mula sa Senado.
Una nang sinabi ng senador na posibleng dalawa o tatlong pagdinig na lang ang kanilang kinakailangan bago bumuo ng committee report kaugnay sa imbestigasyon nila sa POGO operations. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News