Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Canlaon City sa Negros Oriental ang paglilikas sa mga residente sa apat na barangay na matatagpuan sa loob ng permanent danger zone ng Mount Kanlaon.
Kasunod ito ng pagputok ng bulkan, kagabi, kung saan umabot sa 5,000 meters ang taas ng ibinuga nitong plume.
Sinabi ni PHIVOLCS Director, Dr. Teresito Bacolcol, na tumagal ng anim na minuto ang pagputok, at mayroong mga report ng ashfall.
Inihayag naman ni Canlaon City Mayor Jose Cardenas na lahat ng mga residente sa mga barangay Masulog, Pula, Lumapao, at Malaiba, pati na ang kanilang livestock, ay kailangang dalhin sa evacuation centers.
Pinakilos na ng lokal na pamahalaan ang kanilang Local Disaster Risk Reduction ang Management Office para makipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya, gaya ng Department of Social Welfare and Development para matulungan ang mga apektadong residente.
As of 8 p.m. kagabi, itinaas ng PHIVOLCS sa Level 2 mula Level 1 ang alerto sa Bulkang Kanlaon, matapos ang naturang pagputok.