Walang basehan ang mga paratang na sinasadya ng Senado na bagalan ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Atty. Regie Tongol, tagapagsalita ng Senate Impeachment Court, kasabay ng pagsasabing sa loob ng isang linggo ay maraming nagawa ang korte.
Kabilang na aniya rito ang pag-convene bilang impeachment court, pagpapalabas ng mga kautusan, alituntunin at mga suppletory rules, pag-uutos sa Kamara na magbigay ng tugon sa mga isyu may kaugnayan sa hurisdiksyon, pagpapadala ng summons sa Bise Presidente at pagtanggap ng entry of appearance ng mga abogado ng dipensa.
Kasabay nito, binalikan ni Tongol ang Kamara sa pagnanais ng mabilisang aksyon.
Tanong ng abogado kung talagang nais ng Kamara ng mabilis na aksyon, bakit wala pa ring ipinadadalang sagot ang prosecution panel sa kautusan ng korte.
Tinukoy ni Tongol ang atas na magsumite ng attestation na naaayon sa konstitusyon ang inihain nilang articles of impeachment at kung interesado pa ang 20th Congress na isulong ang impeachment.
Sinabi ni Tongol na sinumang mahusay na abogado ay nakakaalam na mabilis lamang ang paghahain ng motions for clarification, manifestation at compliance kasama na ang formal entry of appearance.
Kung may katagalan aniya ang prosecution panel sa ganitong maliit na bagay paano pa sa malalaking filings o motion.
Iginiit din ni Tongol na kawalang galang ang pagbanat ng prosekusyon sa impeachment court kasabay ng paghimok na sa mga ito na tutukan na ang kanilang mga dapat i-file sa halip na mag-aksaya ng oras sa pag-atake sa Senado.