Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian para sa mas mahigpit na seguridad sa mga ahensya ng gobyerno kasunod ng umano’y data breach sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa senador, ang insidente ay malinaw na babala sa patuloy na banta ng mga cyberattack laban sa mga ahensya ng gobyerno kaya’t kailangang paigtingin ang cybersecurity infrastructure.
Bagamat tinawag ng PCSO na “fake news” ang mga ulat, binigyang-diin ni Gatchalian na hindi dapat balewalain ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ganitong mga pangyayari.
Mahalaga anya ang pagiging mapagbantay at bukas sa publiko sa pagtugon sa mga banta sa cybersecurity.
Hinimok din ng senador ang lahat ng ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa DICT at sa National Privacy Commission para magsagawa ng regular na security audit, magpatupad ng mas mahigpit na proteksyon sa datos, at magbigay ng mas mahusay na pagsasanay sa cybersecurity para sa mga kawani.